Earn Money Just by Clicking. Register Here

Tuesday, May 5, 2009

Inspirasyon at Panalangin

eto ang kauna-unahang tagalog entry ko sa blog na to. gusto ko kasi maiparamdam sa lahat kung ano ang nararamdaman ko ngyon. ibang iba sa naramdaman ko noon. biglang nabuhay ang loob ko dahil sa isang inspirasyon.

kilala ako bilang isang matigas na tao. sabihin nating walang puso. ang alam lang gawin ay maglaro at magsaya araw-araw. dumarating sa buhay ko ang magmahal at di rin nagtatagal bigla na lng masasaktan. eto siguro ang dahilan kung bakit ako ganito.

may mga araw, kapag nag-iisa ako, di ko maiwasang maging malungkot. mag-isip ng mga bagay na lalong makakapagparamdam sa kin ng pag-iisa. kapag nakakita ako ng dalawang magkasintahan (naks!), di ko maiwasang mainggit. sana meron din ako.

marami akong naging karanasan pagdating sa "love". naging matigas ako dahil ayoko masaktan. maglaro kung kinakailangan. pero hindi sapat yun para maging masaya ako. Hindi ako ito. Puro pagbabalat-kayo. Gusto ko dumating ang araw na mayroon akong mamahalin at magmamahal sa kin. Inisip ko na para mangyari iyon ay simulan ko sa sarili ko ang pagbabago. Kailangan matuto akong magmahal muli.

Binalikan ko ang mga pagkakamali ko. Ano nga ba ang mali sa kin? Noong una, alam ko wala akong mali. Ang alam ko lang lagi akong niloloko ng taong mahal ko. Pero bakit nga ba ako niloloko? Bumalik sa kin ang tanong, siguro may mali ako? Kung sa pagiging loyal lang. Sigurado wala akong pagkukulang dun. Kapag ako ang nagmahal, tumingin at kiligin man ako sa iba, iisa lang ang nasa puso ko.

ORAS! yan ang sumbat ng ilang ex ko. "wala kang time para sa kin!", "Lagi kang nasa tapat ng PC mo!", "Puro ka Ragnarok! DOTA!". Paano ko ba maipapaliwanag sa kanila na kahit ganito ang libangan ko, sila pa rin ang mahal ko. Naisip ko, kahit sabihin mong mahal mo ang isang tao, hindi sapat yun para maiparamdam mo sa knila na mahal mo sila. Tama nga naman. Kailangan mo iparamdam na nandyan ka sa pamamagitan ng paglalaan ng oras mo para sa kanila.

TIWALA! kailangan yan isang relasyon. Kung walang ganito. Bigyan mo na ng taning ang relasyon nyo. Pero paano ka magtitiwala sa isang taong puno ng lihim. Puro pagsisinungaling. O ayaw man lang magsalita tungkol sa mga problema. Dito pumapasok ang salitang:

TAPAT! Honest kung di mo maintindihan. Karapat dapat lang na ibigay sa iyo ang tiwala kung tapat ka sa taong mahal mo. Magkakambal yan eh. Kung wala ang isa, walang saysay ang lahat. Bigla ko ulit naisip, naging tapat ba ako sa mga ex ko?

Paulit ulit kong binalikan ang mga pangyayari. Ang mga pagkakamali. Handa ko na bang talikuran ang mga bagay na nakagisnan ko? Handa na ba akong ibigay ang aking tiwala at magtiwala muli? Hindi na ba ako maglilihim at handang ibigay lahat ang aking sarili?

Handa na ako!

Subalit lalo lang akong nalungkot. Eh ano ngyon kung handa na ako? Mag-isa pa rin ako. Lalo lang ako natakot na baka walang taong nararapat para sa pagmamahal ko. Ngunit bakit ako matatakot? Kapag nagmahal ka, hindi ka dapat mangamba. Eh kung lokohin ka nila, hindi ikaw ang nawalan kundi sila. Maghihintay lamang ako ng tamang panahon para dito. Nananalangin na mayroon isang taong darating na para sa akin. Hindi dapat magmadali.

Sabi ko sa sarili ko, kapag dumating ang araw na mayroon na kong mamahalin, ibibigay ko ng buong buo ang sarili ko. Ilalaan ko ang oras ko sa kanya. Pwede na kong makapag simulang muli habang karamay sa sa hirap at ginhawa.

Tama ba tong ginagawa ko? Naghihintay lang at walang ginagawa? Malungkot at namumuti ang mata sa kakahintay sa taong karapat dapat. Sobra na ang aking paghihintay. Lalo lang ako nalulungkot kapag naiisip ko ang mga bagay na to. Kailangan magrelax. Kailangan mag enjoy.

Isa sa mga libangan ko ay ang makipag usap sa chat. Hindi para maghanap kundi dahil para maglibang. "Anu hanap mo dito?" eto ang karaniwang tanong sa kin ng mga taong nakakasalamuha ko sa internet. Sanay na ko sa mga ganyang banat. Alam ko ang tunay na kahulugan na nagtatago sa tanong na yan. "Usap lang." Diretsong sagot ko sa tanong. Matira ang interesado at kakausapin ko. Ngunit di pa tapos ang salaan. Mayroon kasi na may hidden agenda. Kunwari makikipag usap lang pero babalik lang sa gusto nilang patunguhan. Seks! Di na kong nagdadalawang isip i-ignore ang mga taong ganun. Sawa na ko sa ganung sistema at kalakal ng mga taong nakatambay sa chatroom. Gusto ko ng matinong at masayang usapan.

Sa pagkayamot, di ko inaakalang may biglang papasok sa buhay ko. Bukod tangi sa lahat. Walang alinlangan. Walang pagpapanggap. Nakuha nya ang atensyon ko. Ano nga bang meron sa taong ito at tila biglang nag iba ang ihip ng hangin at napangiti nya ko. Pinabisita nya sa kin ang blog nya. Di naman ako mahilig magbasa noon ng blogs. Binisita ko lang. Tinanong nya ko kung binasa ko at sabi ko naman hindi. Pinilit nya kong basahin yun pero pabiro kong sinabi na gusto ko basahin nya yun para sa kin. Natuwa ako dahil ginawa nya iyon. Tinawagan nya ko sa voicechat at binasa ang huling entry sa kanyang blog. Tungkol pa rin iyon sa 'love'. Habang pinakikinggan ko sa boses nya at iniintindi ang laman ng kanyang entry, hindi ko maiwasang lumipad ang isipan ko. Hindi nalalayo ang paniniwala namin sa 'love'. Magkakasundo kami nito.

Hindi nagtagal ay dumalas ang aming pag uusap. Marami kaming napag usapan at naibahagi sa isa't isa. Dumating pa nga sa puntong meron na kaming plano para sa mga darating na araw. Simula nun unti unting nahulog ang aking loob sa kanya. Madalas ko na syang naaalala. Madalas na syang nasa isip ko. Naging inspirasyon ko sya sa paggawa ko ng blog na to.

Dumating ang oras na parang biglang may nagbago sa pag uusap namin. Biglang lumamig. Noong oras na iyon ay di ko maipaliwanag ang nararamdaman ko. Biglang bumalik ang lungkot na nararamdaman ko. Umamin syang nasa malayong lugar sya at matagal pa bago kami magkita. Wag ko na daw syang isipin masyado at wala naman patutunguhan. Lalo lang akong masasaktan. Hindi sapat iyon para sumuko ako. Sya ang taong hinintay ko ng matagal. Sya ang muling nakapagpasaya sa kin. Nangako akong hinding hindi ako mawawala at patuloy ko pa rin syang kakausapin kahit nasa malayong lugar sya. Walang iwanan. At nawala rin ang lungkot sa ming dalawa. Pakiramdam ko lalong tumindi ang samahan namin.

Bumalik ang saya at kulitan sa mga sumunod na araw. Ngunit sa di inaasahang pangyayari, nagbalik rin ang ex nyang mahal pa nya ng sobra. Muling nagparamdam. Humihingi ng isa pang pagkakataon. Naguluhan ng tuluyan ang pag iisip nya. Mayroon bang dapat piliin? Sino ang mas matimbang? Bigla akong natakot na maaring iyon na ang huli naming pag uusap. Nangamba na baka biglang mawala sya at maiwanan ako sa ere. Alam kong kailangan nyang mag-isip. Kailangan nya ng oras. Sinabi naman nya na kahit anong mangyari ay hindi sya mawawala at mang iiwan. Napangiti ako at nawala ang takot na naramdaman ko. Sapat na sa kin ang mga salitang iyon.

Sobrang saya ko dahil nakakilala ako ng ganitong tao. Sya ang aking inspirasyon. Sya ang nakakapagpasaya sa kin. Sya ang dahilan kung bakit ako nandito ngayon at nagsusulat. Sya ang dahilan kung bakit ako laging nakangiti. Sya ang nagbigay daan upang magmahal akong muli. Sya ang dahilan kaya hindi ako nawawalan ng pag-asa. Sya ang taong gusto ko, sya ang taong mahal ko. Sya ang sagot sa aking panalangin.


No comments:

Post a Comment